|| HOME || ARTWORKS || LITERARY || SHORT STORIES || DAILY || VIDEOS || CONTACT ME ||

Sunday, December 25, 2011

Isang para sa'king Pag-ibig.

Hindi nakisama ang gabî.
Ang payak na mga kaganapan
Ang mga tiyak na kaìnan
Sa ilalim ng naninílaw na buwan.

Naguûdyok ang alapaap
Na ikaw ay isipin
Nagpupumilit, nangungunyabit
Sa kahit isang minutong pag-dikit;

Pag-dikit sa kinasanayang kinis
Pag-langhap sa hinahanap na halimuyak
Pag-suyod sa kakilalang mga hiblâ
Hiblâ ng walang-hanggang pag-ibig

Handa akong mag-handog ng hiwaga
Upang sa isang iglap, magkaulayaw kapwa
Isang tagilas, sasabay sa daluyông
At sa malambing mong yápos, panaginip ay uusbông.

Sa isa na namang paskóng libán ka,
Na tila nagdaan at bumating walang gána,
Tinatapik tayo ng tadhanâ
Pinatatanàw sa bukang-liwayway,

Ng ating matagal na pagsasamá,
At pagpapalitan ng walang kasing ganda
At kasing halagang pagmamahalan
Na nagiging sándata sa malimit na lúmbay.

Alam kong may hangganan
Ang mga paskóng binasyo ng distansyá
Subalit sa kakaunting pasensya
Alam kong isa ito sa mga pahulì na

Labis akong may pananábik
Sa panlâbing-isang paskó natin
Sa susunod sanang pagdaraos
Mga bisig nati’y nakahabi’t magkayápos.

Isang biling matùlin:

Ganitong malayó ka,
Ikaw muna’ng magbasà
Pag tayo’y magkayakap na,
Asahan mong tutulâan kita.


Maligayang Paskó. Mahal.




*Ewak Hernandez
  Ika-25 Desyembre, 2011

Thursday, December 23, 2010

Silaw

Sa unang pagsapit
nagkapilipilipit
hindi pumipikit
para lang masulit

May kintab at kinang
nanghihinayang
lahat hinaharang
para walang masayang

Mahirap maglagi
sa aking minimithi
sa aking inaasam
aking dinaramdam

Masaya sana kung tunay
mahiwaga ang buhay
walang kibong reklamo
walang halong talino

Pagsindi ng ilaw
mga mata'y nasilaw
nagising na ulirat
itong aking naisulat



*first published 2008
"Shut your eyes, maglakbay sa panaginip"
the Tanglawan-Deluge literary folio 2008
copyright The Scholastican

Galaw.

magdiwang at lumundag
sa kaligayahang sasalubong
at yayakap sa daigdig
daigdig ng hiwaga

hiwagang may dala
ng walang humpay na pag-asa
ako'y sasayaw
sa saliw ng musika

tayo at sila
tunay na magkakilala
mga pusong umaawit
ng mga sambit na ligaya

pagsasayang pupukaw
sa mga damdaming uhaw
pagsasamang di bibitaw
habambuhay sasayaw


*First published 2009
copyright The Scholastican
-ewak

Saturday, November 27, 2010

Tanikala.

Salat sa panahong
ginugol ang maghapon
walang balat na walang saplot
ginaw ay labas sa pagkatao.

tara na sa bulwagan
oras na ng karangalan
heto ang tamang pagkakataon
simulan na ang kahapon.

sa ganitong bukas
walang takas ang nakaraan
ala-ala ng nakalipas
sa pagkababae mo'y nakalimbag.

tara na sa nag-aabang na bukas

tara na

simulan na ang paggapos
sa nahinang puso.

tara.

wag nang pumalag,

sumama ka na..

MARTES, Setyembre 06, 2005

Sinunog mo ang mitsa ko,
kalahati ng buhay na may galit sayo.
simulan mo sa marikit,
tatapusin ko sa pangit.

Pinatay mo, ang anak ng pag-asa,
ngayon!
ikaw ang bida..
wala kang paki-alam, basta napatay mo sya.

Minolestya mo ang ina ng liwanag,
ngayon!
nasa dilim ka..
wala kang paki-alam, basta nakaraos ka.

Nag-aabang ang malambing na kamatayan,
sa ulo mong walang laman.
kapit kamay tayo dati,
ngayon! di na kita kaibigan.

TAPUSIN NA! ang sigaw ko,
sa kalapating dumapo sa balikat.
katauhang nahubad,
dahil sa pag-asang may bukas.

katukin mo ulit,
baka tulog lang.

katukin mo ng malakas!
baka nagpapahinga lang.

ayaw bang buksan?

hwag ka nang matakot,
sa aninong ligaw.
baka anino mo lang yan,
hwag kang sisigaw!

..buksan mo ang ilaw,
baka may kasama ka.
kung wala, takbo na!

hwag ka lang sakin pupunta.

PISNGI ng LANGIT

Mas maganda sigurong mag-paa sa basang lupa
mas maganda sigurong maglaro kung may kalaru ka.
ayoko nang umepal. gusto natin ng dangal.
alam kong may pupuntahan ang jeep ni kuya Cesar.

dilaw, hindi pula ang kulay ng langit.
may asul na buhok nakatali sa pisngi ng ulap.
hiwalay kung hiwalay pero mahirap yata yan...
wirdo ang paligid, nakakatusok.

masakit kung bigla.
manhid kung dahan dahan.

ayoko ng umulit

ayoko ng magkamali.

ayoko ng masaktan.

makirot,

masakit

ayaw na.

umayaw ka na rin sana

SABADO, Hunyo 18, 2005

huwag kang matakot kaibigan
Ikaw may madalas na pagtawanan
hindi nila alam ang tunay na dahilan
ng iyong katauhan

tumakbo ka at tumalikod
ang oras at araw ay maglalaon
ang panahon di ka malalamon
ikaw ang magdidikta

ikaw ang anak ng araw
ang pinanghahawakan mo
ay higit pa sa talim ng kanilang
isip at balaraw
ikaw ang anak ng araw
habol mo ang paglubog at tangan mo
ang kaluluwang di pumapanaw
hindi ka maliligaw

bukas walang makapipigil
kahit pa ang kahapong madilim
hawak mo sa'yong palad
ang kakaibang liwanag

ikaw ang magdidikta ng liwanag
ikaw ang magdidikta ng liwanag
ikaw ang babasag
ikaw ang babasag