|| HOME || ARTWORKS || LITERARY || SHORT STORIES || DAILY || VIDEOS || CONTACT ME ||

Sunday, December 25, 2011

Isang para sa'king Pag-ibig.

Hindi nakisama ang gabî.
Ang payak na mga kaganapan
Ang mga tiyak na kaìnan
Sa ilalim ng naninílaw na buwan.

Naguûdyok ang alapaap
Na ikaw ay isipin
Nagpupumilit, nangungunyabit
Sa kahit isang minutong pag-dikit;

Pag-dikit sa kinasanayang kinis
Pag-langhap sa hinahanap na halimuyak
Pag-suyod sa kakilalang mga hiblâ
Hiblâ ng walang-hanggang pag-ibig

Handa akong mag-handog ng hiwaga
Upang sa isang iglap, magkaulayaw kapwa
Isang tagilas, sasabay sa daluyông
At sa malambing mong yápos, panaginip ay uusbông.

Sa isa na namang paskóng libán ka,
Na tila nagdaan at bumating walang gána,
Tinatapik tayo ng tadhanâ
Pinatatanàw sa bukang-liwayway,

Ng ating matagal na pagsasamá,
At pagpapalitan ng walang kasing ganda
At kasing halagang pagmamahalan
Na nagiging sándata sa malimit na lúmbay.

Alam kong may hangganan
Ang mga paskóng binasyo ng distansyá
Subalit sa kakaunting pasensya
Alam kong isa ito sa mga pahulì na

Labis akong may pananábik
Sa panlâbing-isang paskó natin
Sa susunod sanang pagdaraos
Mga bisig nati’y nakahabi’t magkayápos.

Isang biling matùlin:

Ganitong malayó ka,
Ikaw muna’ng magbasà
Pag tayo’y magkayakap na,
Asahan mong tutulâan kita.


Maligayang Paskó. Mahal.




*Ewak Hernandez
  Ika-25 Desyembre, 2011

No comments:

Post a Comment